Nanawagan ang grupong Digital Pinoys sa Department of Transportation (DOTr) na ipatupad ang mga rekomendasyon ng technical working group (TWG) hinggil sa operasyon ng motorcycle taxis, kaugnay ng ride-hailing app.
Ito ay kasunod ng utos ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na bawasan ng Move It ang kanilang fleet mula 14,000 riders sa 7,000.
Umapela na ang Move It sa LTFRB upang muling pag-isipan ang kautusan, at pansamantalang isinantabi ni Transportation Secretary Vince Dizon ang pagpapatupad nito habang inaantay ang desisyon sa apela.
Giit ni Digital Pinoys campaigner Ronald Gustilo, dapat sundin ang moratorium sa onboarding ng mga bagong rider upang maiwasan ang dagdag na displacement. Aniya, nalalagay sa peligro ang publiko kung patuloy na lalabag sa regulasyon ang mga kumpanya. Hinimok rin nila si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na manghimasok.
Samantala, umaapela ang mga rider ng Move It na muling suriin ang rider cap dahil maraming hanapbuhay ang maaaring mawala. Nananawagan din sila ng dayalogo sa mga regulator upang maisulong ang mga polisiyang pantay para sa commuters at drivers.
Inanunsyo naman ni Dizon na lalagdaan niya ang isang department order na magpapahintulot sa tuloy-tuloy na operasyon ng motorcycle taxis habang wala pang batas mula sa Kongreso na nagle-legalize sa mga ito.