-- Advertisements --

Pabor ang grupo ng mga empleyado ng gobiyerno na isapubliko ang Statement of Assets, Liabilities, and Net worth (SALN) ng bawat opisyal at kawani ng gobyerno.

Ito ay kasabay ng lifestyle check na kautusan ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. sa mga public official.

Ayon kay Confederation for Unity, Recognition and Advancement of Government Employees (COURAGE) president, Santi Dasmariñas, taon-taong nagsusumite ng SALN ang mga ordinaryong empleyado ng gobiyerno, kahit pa limitado lamang ang kanilang sinasahod habang ang ilan ay mataas din ang pagkakautang.

Kung bubuksan ang lifestyle check sa lahat ng public officials, bukas aniya ang mga government employee na ipasilip at isapubliko ang kani-kanilang isinusumiteng SALN.

Gayonpaman, kailangan aniyang magsilbing modelo si Pang. Ferdinand Marcos at ang buong first family sa pagsalang sa lifestyle check.

Mula sa pangulo, kailangang sumalang aniya ang mga mambabatas, local chief executives, at lahat ng mga matataas na opisyal ng gobiyerno.

Bagaman may mga alinlangan at pagkabahala na posibleng gamitin ang pagsasapubliko sa mga SALN bilang paraan upang i-harass ang mga public employee, nanindigan si Dasmariñas na walang dapat ikabahala ang mga ito kung wala silang itinatagong properties o kayamanan.