CENTRAL MINDANAO- Binawian ng buhay ang isang grade 3 pupil nang malunod sa ilog sa probinsya ng Cotabato.

Nakilala ang biktima na si April Joyce Jungco, grade 3 pupil ng M’lang Pilot Elementary School.

Ayon sa guro ng biktima na si Neri Tingzon na bago nalunod si Jungco ay dumaan pa ito sa kanyang tahanan para ipakita ang kopya ng kanyang clearance.

Naligo umano ang biktima sa Kabacan River sa President Roxas North Cotabato kasama kanyang mga kaibigan, kapitbahay at magulang.

Nalingat ang mga kasama ni Jungco at nalunod ito sa malalim na bahagi ng ilog.

Naisugod pa ang bata sa pagamutan ngunit hindi na siya umabot ng buhay.

Inilarawan naman ni Tingzon na mabait at masunurin na estudyante ang biktima.

Nagpaalala ang mga lokal opisyal ng probinsya sa mga magulang na bantayan ang kanilang mga anak dahil walang klase at manatili lamang sa tahanan dahil sa banta ng nakakamatay na Coronavirus Disease.