-- Advertisements --

Nahaharap sa kasong graft at plunder si Sarangani Governor Rogelio Pacquiao matapos tumanggap ang Office of the Ombudsman ng pormal na reklamo noong Miyerkules, kaugnay sa umano’y maanomalyang procurement contracts na nagkakahalaga ng higit P167 million.

Isinampa ng Task Force Kasanag (TFK), isang civil society watchdog group, ang reklamo. Ayon kay John Chiong, kinatawan ng TFK, nagsimula ang imbestigasyon matapos makatanggap sila ng tip mula sa isang concerned citizen noong Enero 2025. Lumitaw sa kanilang ebidensiya ang umano’y overpricing at kakulangan sa feasibility study, lalo na sa mga biniling 145 Honda XRM motorcycles, na tig-P99,950 ang kada isa.

Kabilang din sa kinukuwestiyong transaksyon ang pagbili ng apat na Komatsu D65EX-16 bulldozers na nagkakahalaga ng P119.99 milyon, at hydraulic excavators na nagkakahalaga ng P47.99 milyon.

Sa reklamo, inaakusahan si Gov. Pacquiao ng paggamit ng kanyang posisyon upang maisakatuparan ang mga transaksyong labag umano sa Republic Act No. 7080 (Plunder Law), kung saan lagpas sa P50 million ang umano’y nakaw na yaman.

Wala pang pahayag si Gov. Pacquiao sa mga alegasyon habang nagpapatuloy ang pagproseso ng kaso.