Nagmistulang domino effect na ang pasaring ni Pangulong Rodrigo Duterte sa ilang senador.
Dahil matapos ang mga panibagong banat ng presidente, bumwelta naman agad si Senate blue ribbon committee chairman Sen. Richard Gordon.
Bagama’t hindi raw siya natitinag sa personal na mga atake, hindi raw naman niya mapigilang hindi sumagot para sa institusyon na nagsasagawa lang ng imbestigasyon, laban sa korapsyon.
Maging si Sen. Bong Go na malapit sa pangulo ay naging target na rin ni Gordon.
“The question na dapat natin maintindihan dito ay ano ba talaga role ni Bong Go. Is he working with the Senate or is he still working with the President? We’re not a parliamentary system of government,” wika ni Gordon.
Habang sa panig ni Sen. Go, nagtataka ito kung bakit pinupuna ng ilang kapwa senador ang pagiging malapit niya sa presidente.
Dati raw kasi, mismong ang mga bumabatikos ang nakikisuyo upang idulog niya kay Pangulong Duterte ang ilang isyu.
Dagdag pa ng senador, hindi siya kailanman nasangkot sa katiwalian at lalong hindi naging hadlang sa kaniyang trabaho ang pagganap ng ilang aktibidad na kasama ang punong ehekutibo.
Kaya banat niya sa mga kritiko: “Ano ang karapatan mong kuwestiyunin ang pagiging malapit ko sa pangulo. Nangako ako sa Pangulo na hindi ko siya iiwanan habambuhay at amin na lang yun dahil mahal ko ang Pangulo.”