Sumalang ngayon sa unang araw ng panel interviews sina presidentiables Norberto Gonzales at Leody de Guzman kasama ang kanyang vice presidential candidate na si Walden Bello.
Ito ay sa ilalim pa rin ng pamamahala ng Commission on Elections (Comelec) kaugnay sa kanilang proyekto na tinaguriang Comelec-KBP Pilipinas Forum 2022.
Hangad ng hakbang na ito ng Comelec na matulungan pa rin ang mga botante sa matalinong nilang pagpili ng mga lider habang nalalapit na ang halalan.
Sa panig ng Bombo Radyo Philippines nagsilbing panelist si Bombo Jane Buna at moderator naman si Bombo Elmar Acol.
Kasama nila ang veteran broadcast journalist na si Rico Hizon ng CNN Philippines.
Para sa tambalang sina Ka Leody at Bello, isinagawa sa studio ng ABS-CBN ang panayam.
Si Gonzales na dating defense secretary at national security adviser noong Arroyo administration ay personal ding nagtungo sa studio ng Manila Broadcasting Company sa Pasay City para sa panel interview.
Kabilang sa maraming mga isyu na ibinato kay Gonzales ay ang usapin sa matagal ng hiniling ng mga manggagawa na minimum wage hike, charter change, women’s rights, defense spending, maayos na COVID-19 response kung mananalo siya, climate change, at iba pa.
Sa tanong ni Bombo Elmar sa minimum wage kung siya ang maging presidente, aminado si Gonzales na dapat itong pag-aralang mabuti.
“Depende ‘yan sa takbo ng ating ekonomiya, kaya depende kung kayang i-absorb ng ating ekonomiya ang pagtataas ng wage increase (sic). ‘Yan ang kauna-unahan nating prayoridad. Pero ‘wag naman na basta na lamang tayo magwi-wage increase baka naman bumagsak ang ating ekonomiya, hindi naman ganyan,” ani Gonzales.
Samantala sa araw ng Miyerkules o bukas ng alas-10:00, May 4, haharap sa panel inteview ang mag-tandem na sina presidential candidate Faisal Mangondato at kanyang kandidato sa pagka-bise presidente na si Carlos Serapio.
Susundan ito ng alas-11:00 na interview kay Senate President Vicente “Tito” Sotto, na kung maalala ay umatras na makibahagi ang kanyang presidential candidate na si Ping Lacson.
Gigisahin si Sotto nina Hizon, Bombo Jane at Bombo Elmar sa loob din ng isang oras.
Sa May 5 naman, alas-10:00 ng umaga ay sasalang sa panayam ang vice presidential candidate na si Manny SD Lopez.
Pagsapit ng alas-11:00 ng umaga ay pagkakataon naman ni presidential aspirant at dating presidential spokesman Ernesto Abella.
Sa Biyernes, May 5, alas-10:00 unang haharap sa mga panelist si Dr. Jose Montemayor at si Rizalino David. Susundan sila ni presidentiable Sen. Manny Pacquiao pagsapit ng alas-11:00 ng umaga.
Kung maalala ipinalit ang Comelec-KBP PiliPinas Forum 2022 na isang panel interview matapos magkaproblema ang ka-partner ng komisyon na Impact Hub Manila na pumasok sa kasunduan sa Sofitel Hotel.