Masayang ibinahagi nina Olivia Culpo at NFL running back Christian McCaffrey ang pagdating ng kanilang unang anak na babae, si Colette Annalise McCaffrey, sa pamamagitan ng isang joint Instagram post nitong Lunes, Hulyo 14.
Makikita sa mga black-and-white photos ang mag-asawa sa ospital—bitbit ni McCaffrey ang kanilang anak, habang si Culpo ay tila inaasikaso ang sanggol mula sa kama ng ospital.
Sa kanyang Instagram Story, nagpasalamat si Culpo sa kanyang asawa sa pagiging maaasahan at mapagmahal na katuwang niya sa gitna ng kanyang panganganak.
“Colette is so lucky to have the best daddy in the world… As soon as he came into the room, I felt most at peace,” ani Culpo.
Binati rin ang mag-asawa ng Miss Universe Organization sa kanilang comment section, kasabay ng iba pang pagbati mula sa mga kaibigan at fans.
Maalalang si Culpo at McCaffrey ay ikasal noong Hunyo 2024 sa hometown ni Culpo sa Rhode Island.
Matagal nang naging bukas si Culpo tungkol sa kanyang pakikibaka sa endometriosis, isang kondisyon kung saan tumutubo ang tissue na katulad ng lining ng matres sa labas ng uterus.
Sa isang panayam sa NIH Medline Plus, ibinahagi niyang nagsimula ang kanyang sintomas sa edad na 15 at lumala pagdating ng kanyang 20s.
Ang kanyang pagbubuntis na inanunsyo noong Marso 2025 ay itinuturing na tagumpay laban sa endometriosis, limang taon matapos siyang sumailalim sa operasyon.