-- Advertisements --

Kinumpirma ni Defense Secretary Gilberto Teodoro na naghain na ng diplomatic protest ang gobyerno hinggil sa panibagong paglabag ng China Coast Guard sa bahagi ng West Philippine Sea kung saan muli nitong hinarang at binangga pa ang barko ng mga Pilipinas na nagsasagawa ng Rotational and Resuppply mission sa BRP Sierra Madre sa bahagi ng Ayungin Shoal.

Ayon kay Teodoro ang ginawa ng China Coast Guard ay isang lantaran na paglabag sa International law.

Giit ni Secretary Teodoro walang ligal na karapatan ang China na magsagawa ng law enforcement operations sa loob mismo ng exclusive economic zone ng Pilipinas.

Binigyang-diin ng kalihim na seryosong tinitignan ito ng pamahalaan sa pinaka mataas na antas sa gobyerno.

Tahasan din sinabi ni Teodoro na pilit itinatago ng China ang katotohanan sa likod ng pangyayari.

Kaya nais ng gobyerno na ilahad ang katotohan sa isinagawang Rotational and Resupply mission.

Pina- summon naman ni Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Enrique Manalo si Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xi Lian para kondenahin ang ginawa ng China Coast Guard sa kanilang iligal na aksiyon.

Inatasan din si Philippine Ambassador to China Jaime Florcruz na iparating sa Chinese Foreign Ministry ang paninindigan ng Pilipinas hinggil sa insidente.