Ipinagpaliban na rin umano ang nakatakda sanang pagsabak ng Gilas Pilipinas sa first window ng 2021 Fiba Asia Cup qualifiers dahil pa rin sa banta ng coronavirus disease.

Batay sa ilang source ng Bombo Radyo, postponed muna ang home game sa pagitan ng Pilipinas at Thailand na gaganapin sana sa Pebrero 20 sa Smart Araneta Coliseum.

Maging ang road game ng Gilas kontra sa Indonesia na idaraos sana sa Pebrero 23 ay pinostpone na rin muna.

Bagama’t wala pang ibinibigay na petsa kung kailan itutuloy ang mga laro, posible raw na mangyari na ito sa buwan ng Marso.

Sa kasalukuyan ay wala pang ibinibigay na opisyal na pahayag ang Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) at FIBA ukol sa naturang mga pagbabago.