-- Advertisements --

Nabigo ang Gilas Pilipinas kontra sa Lebanon, 85-81 sa kanilang paghaharap sa 4th window ng FIBA World Cup Asian Qualifiers kaninang madaling araw.

Sa unang quarter ay hawak pa ng Gilas ang kalamangan hanggang sa mahabol ito ng powerhouse team na Lebanon sa laro na ginanap sa Nouhad Nawfal Sports Complex.

Bumandera sa panalo ng Lebanon ang tinagurian ngayon na Asia’s best point guard na si Wael Araki na nagtala ng 24 points.

Sa panig naman ng Gilas, nasayang ang nagawang 27 points, pitong assists at anim na rebounds ng Filipino naturalized player na si Jordan Clarkson.

Sa first half ng laro ay agad na uminit ang Utah Jazz star ng kumamada ng 18 points kasama na ang buzzer beater na 3-points.

Hindi naman tinantanan si Jordan ng matinding pangangantiyaw ng mga fans ng mga Lebanon.

Ang 7-footer na si Kai Sotto ay nag-ambag naman ng 10 points, eight rebounds, at two blocks.

Pagdating sa rebounding mas marami ang nagawa ng mga Pinoy, 48 to 36.

Gayunman, sinasabing ang nagpatalo sa Pilipinas ay ang nagawang 21 turnovers kontra sa siyam lamang para sa Lebanon.

Narito players scores: Clarkson 27, Ramos 18, Aguilar 11, Sotto 10, Thompson 4, Newsome 3, K. Ravena 3, Malonzo 3, T. Ravena 2, Tamayo 0, Parks 0, Oftana 0