Ipinasa ng mga mambabatas sa Germany ang panukalang batas na pagdagdag ng mga sundalo.
Kasunod ito sa panawagan ng ilang mga bansa sa Europa na dagdagan ang mga sundalo para matapatan ang tensiyon na dulot ng Russia.
Ang kontrobersyal na panukalang batas ay nakakuha ng 323 na mambabatas na sumang-ayon at 272 naman ang kumontra habang isa ang nag-abstain.
Nais na dagdagan ng Germany ang mga sundalo nila at ito ay maging 260,000 mula sa kasalukuyang 180,000 na bilang.
Bukod pa dito ang dagdag na 200,000 na reservists pagdating ng 2035.
Nakasaad din sa nasabing panukalang batas ang pagtataas ng sahod ng mga recruit sa $3,000.
Sa bagong sistema ay tatanungin ang mga binatang 18-anyos kung interesado silang magsilbi bilang sundalo at pagdating naman ng Hulyo 2027 ay lahat ng mga 18-anyos na lalaki ay sasailalim sa mandatory military examinations.















