-- Advertisements --

change1

Pormal nang umupo bilang ika-26th PNP chief si Gen. Guillermo Eleazar ngayong araw, kung saan si DILG Sec Eduardo Ano ang nanguna sa ginanap na change of command.

Kasabay sa pag-upo sa pwesto ni Eleazar, kaniyang inilunsad ang tinaguriang intensified cleanliness policy lalo na ang internal cleansing sa kanilang hanay.

Kaniya ring tiniyak na tututukan ang kampanya laban sa iba’t ibang criminal activities, iligal na droga, insurgency at terorismo.

Sa kaniyang talumpati binigyang-diin ni Eleazar na kaniya ng wawakasan ang padrino at palakasan sa recruitment process ng bagong mga pulis.

Binuhay din ni Eleazar ang QR code system para sa recruitment ng mga pulis upang matiyak na tanging ang mga karapat-dapat lamang ang makapapasok sa serbisyo.

Ipinangako rin ni Eleazar ang mabilis na aksyon ng PNP sa hinaing ng publiko sa pamamagitan ng “Sumbong mo, Aksyon ko.”

change2

Nagbabala rin siya sa mga tiwaling pulis na may kalalagyan at tiyak na kamumuhian siya dahil sa hindi sila bibigyang puwang na manatili pa sa serbisyo.

Kinuha rin niya ang pagkakataon na muling umapela sa publiko na sumunod sa minimum health protocols para labanan ang COVID-19.

change4

Aniya, marami nang nagbuwis ng buhay dahil sa pandemiya kaya’t nararapat lamang na makiisa ang lahat kung ayaw nilang mauwi sa bilangguan.

“Only the best for the PNP, only the best for the Filipino people.. ngayon pa lang humihingi na ko ng pasensya at paumanhin sa mga gustong makiusap, sa mga kasamahan natin sa pnp, sa mga retired senior police officers, sa aking mga kamag anak at mga kaibigan, pasensyahan na po, tatablahin ko kayo,” wika ni Eleazar.

Lubos namang nagpasalamat si retired PNP chief Gen. Debold Sinas sa lahat lalo na sa buong PNP organization sa suporta na ibinigay sa kaniyang pamumuno dahilan para kaniyang napagtagumpayan ang kaniyang misyon.

Nanawagan din si Sinas sa PNP na suportahan si Eleazar sa kaniyang pamumuno.

Si Sinas at Eleazar ay mag-mistah na kapwa miyembro ng PMA Hinirang Class of 1987.

“I now leave the 220,000 strong PNP personnel from the highest ranking generals to the lowest ranking officers uniformed personnel with great humility, pride and confidence thank you very much at mabuhay po tayong lahat,” pahayag ni dating PNP chief Sinas.

Samantala, pinasalamatan at pinapurihan ni Sec Ano si Sinas na sa kabila ng mga hamon at kontrobersiya na kaniyang kinaharap ay hindi ito nagpatinag at ipinakita ang kaniyang kakayahan na pamunuan ang PNP organization.

Pinayuhan naman ni Ano si Eleazar na huwag ipagpalit ang integridad sa pansamantalang kasiyahan.

Kinumpirma ni Ano na bibigyan ng pwesto sa gobyerno ni Pangulong Duterte si Sinas.

“You are the making of an outstanding leader and I am certain that you will not only meet the expectations placed upon you but rather surpassed them all with the brilliance of your wisdom, strength and excellence, and I have high hopes for you even in the midst of surmounting challenges I have not doubt in my mind that you will be stellar and outstanding in the conduct of your duty, and to PGen. Guillermo Lorenzo Elezar, buckle up put your hands in the steering wheel and take charge,” pahayag pa ni Sec Ano.