-- Advertisements --

Pormal nang nanumpa si Ret. Gen. Rodolfo Azurin Jr bilang bagong Independent Commission for Infrastructure (ICI) Special Adviser ngayong araw. Siya ang pumalit kay Baguio City Mayor Benjamin Magalong na nagsilbi sa komisyon ng halos dalawang linggo matapos mag-resign sa kanyang posisyon.

Matapos manumpa bilang Special Adviser ng Independent Commission for Infrastructure (ICI), binigyang-diin ni Azurin na isusulong niya ang katotohanan hindi sa pamamagitan ng galit, kung hindi ng hustisya. Dagdag pa niya, layunin ng kanyang posisyon na maibalik ang tiwala ng publiko sa mga proyekto ng gobyerno sa pamamagitan ng tapat na imbestigasyon at pananagutan ng mga nagkasala.

Samantala, inihayag din ni Azurin na ngayong linggo ay nakatakdang i-validate ng komisyon ang isinumiteng 421 ghost flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH). Aniya, ang manguguna sa pag-document nito ay ang mga technical field engineers.

Base sa pagsusuri ng ICI mula 2016 hangggang 2024, nasa 261 na ang tinitignang flood control projects sa Luzon, 109 sa Visayas at 51 sa Mindanao. Ito ang kanilang mga iinspeksyunin sa mga susunod na linggo.

Iginiit pa ni Azurin na asahan na susunod na rito ang pag-rekomenda naman nila ng 15 hanggang 20 na kaso sa Office of the Ombudsman pagkatapos ng 3 hanggang 4 linggo mula ngayon.