Posible umanong isa sa mga welterweight contenders na sina Mikey Garcia at Danny Garcia ang maaaring sunod na harapin sa ring ni Pinoy ring icon Sen. Manny Pacquiao.

Taliwas ito sa unang napaulat na inaayos na raw ang rematch sa pagitan nina Pacquiao at Floyd Mayweather Jr.

Batay sa mga reports, sinabi umano ni Sean Gibbons, presidente ng MP Promotions, target daw ni Pacquiao na sumabak sa boxing bout sa buwan ng Marso o Abril.

Lalabanan din umano ng fighting senator ang isang boxer na may pangalang Garcia.

Kapwa dating world champions ang dalawang Garcia kung saan humaka ng super lightweight at welterweight titles si Danny, habang four-division champion naman si Mikey.

Nagpahiwatig naman si Gibbons na mas malaki umano ang tsansa ni Mikey na makasagupa si Pacquiao sa isang megabuck match.

Samantala, may tsansa rin daw si Shawn Porter na makatapat ang dati nitong sparring partner na si Pacquiao kung magwawagi ito sa face-off nila ni Errol Spence Jr. sa weekend.

Gayunman, pangunahin pa rin sa mga pinagpipilian ni Pacquiao na makaharap si Mayweather na dati nitong karibal.