-- Advertisements --

Imbes na makatulong ay posibleng makasama pa ang Senate report sa depensa ni dating Pangulo Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC).

Dahil dito sinabi ni Palace Press Officer USec. Claire Castro na mas maiging pagtuunan na lamang ng pansin ang tunay na depensa sa mga alegasyon.

Tugon ito ng Malakanyang kaugnay sa umano’y plano ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na gamitin ang report ng Senate Committee on Foreign Relations bilang ebidensya sa kasong isinampa laban sa kanya sa International Criminal Court (ICC).

Sinabi ni Castro na imbes na ibaling ang sisi sa kasalukuyang administrasyon, nararapat aniyang pagtuunan ng kampo ni Duterte ang mga mismong pahayag ng dating pangulo tungkol sa extrajudicial killings (EJK) sa ilalim ng kampanya kontra droga.

Aniya, ang kaso ay isinampa noon pang 2017 o bago pa man naupo si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kaya’t hindi aniya dapat ibinabaling sa kasalukuyang administrasyon ang sisi.

Nabatid na pinatutunayan umano sa committee report na ang tangkang pag-aresto kay Duterte ay parte ng “whole-of-government approach” upang pahinain ang kanyang pamilya sa pulitika.

Subalit iginiit ni Castro na mas mabuting ituon na lamang ng kampo ni Duterte ang kanilang enerhiya sa mga alegasyon at sa mismong mga pag-amin ng dating pangulo tungkol sa mga pagpatay kaugnay ng war on drugs.