Natatakot pa rin umanong lumabas ng tahanan ang mayorya ng mga residente ng Metro Manila kahit na isinailalim na ang rehiyon sa general community quarantine (GCQ).

Base ito sa naging obserbasyon ni National Task Force Against COVID-19 Chief Implementer Sec. Carlito Galvez sa kanyang pag-iikot, isang linggo makaraang luwagan ang ilang ipinatutupad na restriksyon.

Ayon kay Galvez, nananatili pa ring normal ang daloy ng trapiko sa ilang pangunahing kalsada sa Kamaynilaan.

Bahagya lamang aniya ang nakitang pagbabagal ng trapiko sa mga nabanggit na lugar matapos maibaba sa GCQ ang NCR noong Lunes, June 1.

Sa ilalim ng GCQ, nakabalik na ang partial operation ng ilang pampublikong transportasyon, mas marami nang negosyo ang binuksan at pinayagan na ang pagtawid sa mga lungsod na wala nang quarantine pass.

Samantala, sinabi ni Galvez na patuloy pa rin silang nakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan para matukoy ang barangay o distrito na maitutiring na critical areas at isasailalim sa lockdown.