-- Advertisements --

Hiniling ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) Pre-Trial Chamber na mag-convene para sa urgent status conference bago ang Hulyo 25.

Ito ay para matalakay ang mga hindi pa nareresolbang usapin bago ang nakatakdang confirmation hearing sa inaakusang crimes against humanity sa dating Pangulo sa Setyembre 23.

Sa isinapublikong request ng defense team, sinabi ng kampo ng dating pangulo na ilang mga isyu ang nananatiling nakabinbin at kailangan na matugunan.

Tinukoy ng defense team ang apat na isyu na pinaniniwalaang hindi pa nareresolba ng Pre-trial Chamber I, gayundin ang mga dokumento o items na hindi pa nila hawak sa halip ay ni-redact sa isinumiteng dokumento.

Kabilang dito ang hiling ng kampo ng dating pangulo para sa kaniyang interim release, diskwalipikasyon ng 2 hukom dahil sa umano’y kanilang pagiging bias sa isyu ng hurisdiksiyon, at ang paghamon sa awtoridad ng ICC para pairalin ang hurisdiksiyon nito sa kaso ng dating pangulo matapos kumalas ang Pilipinas sa Rome Statute.

Ayon sa defense, makakatulong ang status conference para matukoy ang pinaka-episyenteng paraan para magpatuloy sa ilang mga usapin na na-redact o hindi isinama mula sa dokumento.

Kaugnay nito, hiniling ng defense sa international court na isagawa ang conference bago mag-alas-5:30 ng hapon, oras sa Netherlands sa Hulyo 25 bago ang nakatakdang summer recess ng tribunal.

Nakatakdang mag-resume kasi ang ICC sa Agosto a-19 na.