Mariing tinutulan ng mga bansang may mayayamang ekonomiya na Group of 7 (G7) ang paggamit ng pwersa at koersiyon sa pinagtatalunang karagatan na saklaw ang West Philippine Sea.
Ang G7 ay binubuo ng Canada, France, Germany, Italy, Japan, United Kingdom, at Amerika.
Sa isang statement, sinabi ng Department of Foreign Affairs (DFA) na kabahagi ang Pilipinas sa pananaw ng grupo sa pagpapahalaga sa seguridad at kaunlaran sa karagatan para sa pandaigdigang katatagan, economic resilience at kapakanan ng lahat ng mga nasyon at sa pagpapatibay ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).
Nagpahayag din aniya ng seryosong pagaalala ang G7 kaugnay sa mga insidente ng paggamit ng mapanganib na maniobra at water cannons gayundin ang mga hakbang para higpitan ang kalayaan sa paglalayag at pagpapalipad sa pamamagitan ng militarisasyon at koersiyon sa disputed waters.
Sa huli, pinasalamatan ng Pilipinas ang G7 sa panawagan nito para sa seguridad, katatagan at kaunlaran sa Indo-Pacific Region kabilang na sa pinaga-agawang karagatan at ang muling paggiit ng grupo sa kahalagahan ng 2016 Arbitral Award bilang basehan para sa mapayapang pamamahala at pagresolba sa mga salungatan sa karagatan.
















