-- Advertisements --

Hindi na mangangailangan ang Pilipinas ng pre-departure COVID-19 test para sa mga inbound na fully vaccinated travelers na mayroong kahit isang booster jab simula sa Mayo 30, Lunes.

Ayon sa Malakanyang, tanging ang mga travelers na hindi nabakunahan at bahagyang nabakunahan ang kailangang magpakita ng negatibong resulta ng RT-PCR o lab-based antigen test na kinuha sa loob ng 48 oras bago pumasok sa Pilipinas.

Ayon kay acting deputy presidential spokesperson Kris Ablan, dati raw kasi lahat ng fully vaccinated na indibidwal ay kinakailangang magpakita ng mga negatibong resulta ng pagsusuri nang hindi na kailangang sumailalim sa quarantine na nakabatay sa pasilidad.

Sa ilalim ng pinakabagong mga alituntunin, ang pre-departure testing requirement ay nagbubukod din sa mga batang may edad na 12 hanggang 17-anyos na ganap na nabakunahan laban sa COVID-19 at mga wala pang 12-anyos “anuman ang status ng pagbabakuna” basta’t sila ay sinamahan ng kanilang mga magulang o tagapag-alaga.

Aniya, ang mga batang hindi pa nabakunahan ay dapat na samahan ng kanilang mga magulang o guardians sa panahon ng quarantine na nakabatay sa pasilidad.

Inalis din ng inter-agency task force on COVID-19 ang medical insurance requirement para sa mga foreign travelers.

Kung maalala, binuksan muli ng bansa ang mga border nito noong Abril sa lahat ng fully vaccinated na mga foreign travelers.