-- Advertisements --

Itinuro ni Finance Sec. Frederick Go ang Business Process Outsourcing (BPO), semiconductor at electronics manufacturing, at renewable energy bilang mga sektor na mabilis na lumalago at makapagbibigay ng mas maraming trabaho sa mga Pilipino.

Sa kanyang pahayag sa IMF-World Bank Spring Meetings 2026, sinabi ni Go na patuloy na lumalawak ang BPO industry sa bansa, na ngayon ay nakatuon na rin sa artificial intelligence, data analytics, at IT-enabled services. Ayon kay Felipe Jaramillo, Vice President for Asia and Pacific ng World Bank, dapat tularan ng East Asia Pacific ang halimbawa ng Pilipinas sa paglipat sa mas high-value services.

Binanggit din ni Go ang lumalaking semiconductor at electronics sector, kung saan mga kompanya gaya ng Samsung ay nagdaragdag ng investments at trabaho. Kasabay nito, lumalakas din ang renewable energy projects sa bansa, kabilang ang wind, solar, at geothermal energy. “Our weakness is our strength,” ani Go, na tumutukoy sa madalas na bagyo, matinding sikat ng araw, at aktibong bulkan sa bansa na maaaring gawing oportunidad para sa enerhiya.

Upang mapanatili ang job creation, isinusulong ng gobyerno ang mga reporma gaya ng CREATE MORE Act at Public-Private Partnership Code, na nagbibigay ng long-term incentives at nagpapalakas ng investor confidence. Dagdag pa ni Go, malaki rin ang puhunan ng pamahalaan sa education at skills training upang matiyak na handa ang mga Pilipino sa pangangailangan ng mga bagong industriya.

Ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), bumaba sa 2.66 milyon ang bilang ng unemployed Filipinos noong Pebrero 2026 mula sa 2.96 milyon noong Enero. Gayunman, mas mataas pa rin ito kumpara sa 1.94 milyon noong Pebrero 2025, dahil mas maraming tao ang naghahanap ng trabaho kaysa sa aktwal na natatanggap ng labor market.