Pinuna ni Sen. Sherwin Gatchalian ang panukalang muling ipagpaliban ang 2026 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Iginiit niya na ito ay labag sa Konstitusyon at magdudulot ng kawalan ng karapatan ng mga botante na makapaghalal ng nais nilang opisyal.
Sinabi ni Gatchalian na hindi kulang ang pondo ng pamahalaan para sa mga programang ayuda kaya’t hindi dapat maapektuhan ang ibang function ng gobyerno.
Aniya, ang halagang P9 bilyon na nakalaan para sa BSKE ay maliit kumpara sa P230 bilyong pondo na maaari pang gastusin para sa mga social aid programs.
Ang pahayag ni Gatchalian ay kasunod ng mungkahi ng ilang mambabatas na i-realign ang budget ng BSKE upang matugunan ang krisis sa enerhiya.
Maging si Sen. Imee Marcos na kapatid ng pangulo ay nais din na maitakda sa ibang pagkakataon ang eleksyon.
Samantala, iginiit ng Commission on Elections (Comelec) na ipinagbabawal ng Korte Suprema ang paggamit ng election budget para sa ibang layunin.
Ngunit kung aamyendahan ang batas ukol dito ay wala silang magagawa kundi tumalima sa pagtutuloy o pagpapaliban ng barangay polls.
Batay sa datos ng komisyon, mahigit 3.9 milyong bagong botante na ang nakarehistro para sa BSKE 2026, halos tatlong beses na mas mataas kaysa sa target na 1.4 milyon.
Ang halalan ay nakatakdang ganapin sana sa darating na Nobyembre 2, 2026, matapos ipagpaliban mula sa orihinal na petsang Disyembre 1, 2025.
















