Sinabi ni U.S. President Donald Trump na tinamaan ng kanilang U.S. Navy destroyer ang isang Iranian-flagged cargo ship na umano’y tumangkang umiwas sa naval blockade ng Estados Unidos sa Gulf of Oman.
Sa kanyang post sa Truth Social, sinabi ni Trump na binalaan muna ng United States Navy ang barko na huminto, ngunit hindi raw ito sumunod.
Kaya napilitang magpaputok ang guided missile destroyer na USS Spruance sa naturang cargo ship dahilan para tumama sa engine room nito.
“The U.S. Navy Guided Missile Destroyer USS SPRUANCE intercepted the TOUSKA in the Gulf of Oman, and gave them fair warning to stop. The Iranian crew refused to listen, so our Navy ship stopped them right in their tracks by blowing a hole in the engine room,” ani Trump, na nagsabing nasa kustodiya na ngayon ng U.S. Marines ang nasabing Iranian-flagged cargo ship.
Ang insidente ay kasunod ng akusasyon ni Trump na nilabag ng Iran ang ceasefire agreement matapos ang umano’y pagpapaputok nito sa Strait of Hormuz.
Samantala, iginiit naman ng Iran na muling isinara ang naturang rutang pandagat para sa karamihan ng mga barko, at inakusahan ang Estados Unidos ng paglabag sa tiwala sa pagitan ng dalawang bansa.
Maaalalang muling sinara ng Iran ang Strait of Hormuz sa lahat ng cargo-ship, dahil umano sa paglabag ng Amerika sa kanilang kasunduan.















