-- Advertisements --

Siniguro ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na magpapatuloy pa rin ang pamamahagi ng mga free meals sa mga benepisyaryo ng Walang Gutom Program sa kabila man ng patuloy na pagtaas ng presyo ng pagkain sa merkado bunsod ng ongoing armed conflict sa Gitnang Silangan.

Ayon sa ahensya, nananatili ang kanilang commitment sa publiko lalo na sa mga bahagi ng vulnerable sector na magkakaroon sila ng access sa mga masusustansyang pagkain sa kabila man ng krisis na kinahaharap ng bansa.

Ani DSWD Usec. Edu Punay, dahil nga sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin, patuloy ang pagkilos ng kanilang ahensya para makapagbigay ng praktikal at alternatibong paraan para makapamahagi ng pagkain nang hindi naisasakripsyo ang nutrisyon na maaari nilang makuha mula dito.

Sa ilalim kasi ng programa ang mga benepisyaryo ay tumatanggap ng P3,000 kada buwan na mga food credits kasama na rito ang pagbibigay ng tamang food budgeting at food preparations.

Samantala, tiniyak naman ng DSWD na patuloy lamang ang kanilang tanggapan sa pamamahagi ng mga kaukulang assistance sa ilalim ng kanilang mga programa para masiguro na nakukuha ng publiko ang mga kinakailangan nilang benepisyo.