-- Advertisements --

Tiniyak ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pagbibigay ng tulong sa pamilya ng senior citizen na nasawi bago pa man niya matanggap ang ayuda para sa mga apektadong corn farmers sa Cagayan na dulot ng tagtuyot.

Kinilala ang biktima na si Wilson Corpuz, 67-anyos, residente ng Barangay Anquiray, Amulung.

Ayon kay DSWD Regional Director Lucia Allan, bagamat hindi na makukuha ang P10,125 na tulong pinansyal sa ilalim ng Emergency Cash Transfer, tutulungan pa rin ng ahensya ang pamilya sa iba pang pangangailangan, kabilang na ang pagpapalibing.

Nabatid na biglang nawalan ng malay si Corpuz sa labas ng pay-out site sa Kapitolyo habang naglalakad para kumain.

Isinugod siya sa ospital ngunit idineklara itong dead on arrival.

Ang insidente ay nagbigay-diin sa kahalagahan ng maagap na distribusyon ng ayuda, lalo na para sa mga senior citizen na kabilang sa mga pinaka-apektado ng kalamidad.