Naglabas ang Commission on Audit (COA) ng panibagong notice of disallowance (ND) na may kinalaman sa confidential funds ng Office of the Vice President (OVP), kung saan umaabot ito sa P300 million, ayon kay House Committee on Public Accounts Chairperson Terry Ridon nitong Linggo.
Ayon kay Ridon, ang bagong ND ay hiwalay sa naunang desisyon ng COA na kumumpirma sa disallowance ng P73 million confidential funds na ginamit umano ng OVP mula Disyembre 21 hanggang 31, 2022.
Ipinaliwanag pa ng Kongresista na ang naunang P73 million na disallowance ay may final ruling na at maaaring umabot sa Korte Suprema, habang ang bagong P300 million ay nasa ilalim pa ng audit review at hindi pa pinal.
Ayon pa kay Ridon, pinapakita ng ND ang posibleng mas malawak pang isyu sa paggamit ng confidential funds ng OVP, na patuloy umanong sinisilip ng mga awtoridad.
Samantala, patuloy ang pagdinig ng House justice panel kaugnay sa impeachment complaints laban kay Vice President Sara Duterte, na kinabibilangan ng mga alegasyon ng umano’y maling paggamit ng P612.5 million confidential funds, pagbabanta sa Pangulo at pamilya nito, at umano’y hindi maipaliwanag na yaman.
Matatandaan na hindi dumalo si VP Sara sa mga nakaraang pagdinig noong Marso 25 at Abril 14, habang nagpapatuloy ang imbestigasyon ng iba’t ibang ahensya, kabilang ang National Bureau of Investigation (NBI), na nagsabing may mga iregularidad din umano sa ilang signature sa mga dokumentong may kaugnayan sa confidential funds.
















