-- Advertisements --

Inaprubahan na ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) ang freeze order sa lahat ng bank accounts at assets ng Communis Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA).

Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra na maaari nang simulan ng AMLC ang pagsusuri nito sa lahat ng accounts na may kaugnayan umano sa pagpopondo sa mga terorista.

Hindi naman nagbigay ng dagdag impormasyon si Guevarra tungkol sa nasabing freeze order — kung anong bank accounts, ilang bank accounts, halaga ng deposito at iba pang assets ang saklaw ng gagawing pag-iimbestiga.

Kung maaalala, may malaking parte si Guevaraa sa Anti-Terrorism Council (ATC) dahil ito ang tumayo bilang chairperson ng technical working group na bumalangkas sa Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Anti-Terror Law.

Sa ilalim ng batas, maaaring maglabas ang AMLC ng 20-day freeze order sa lahat ng pagmamay-ari ng grupo at palawigin pa ng hanggang anim na buwan sa oras na aprubahan ito ng Court of Appeals (CA).