Sinimulan na ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Australian Defense Force ang joint military training na tinawag na Exercise Amphibious and Land Operations (ALON25) ngayong araw ng Biyernes, Agosto 15.
Layunin ng pagsasanay na ito na pahusayin pa ang interoperability, joint projection capabilities at multi-domain operations.
Isinagawa ang pagsasanay sa mga training locations sa mga isla ng Palawan at Luzon na nakaharap sa West Philippine Sea.
Magtatagal ang naturang military exercise sa pagitan ng Pilipinas at Australia hanggang sa Agosto 29.
Kalahok sa Exercise Alon25 ang mahigit 3,600 personnel mula sa AFP, Australian Defense Force, US Marine Corps at Royal Canadian Navy.
Magsisilbi naman bilang foreign observers ang mga mas maraming bansa kabilang ang US, Canada, Japan, South Korea, New Zealand at Indonesia bilang parte ng International Observers program.
Ilan sa malalaking pagsasanay na isasagawa ay ang amphibious and maritime operations and combined joint forcible entry operation (CJFEO) sa Palawan at combined arms live fire exercise (CALFX) – close air support (CAS) sa Fort Magsaysay, Nueva Ecija.