-- Advertisements --

Bigong makalusot sa House committee on legislative franchises ang panukalang gagawad sana ng prangkisa para sa Panay Electric Company (PECO) Inc.

Isang araw lamang ang ginugol ng komite para talakayin ang House Bill 4101 na inihain ni Abang Lingkod Party-list Rep. Joseph Paduano.

Si Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel ang nagmosyon para ibasura ang panukalang batas na ito, na sinegundahan naman ni AKO Bicol party-list Rep. Alfredo Garbin.

Ayon kay Pimentel, makikita sa mga records na bigo ang PECO sa obligasyon nitong bigyan ng magandang serbisyo ang mga consumers sa Iloilo City.

Sa pagdinig, naungkat ang iba’t-ibang issues na kinakaharap ng PECO kabilang na ang over-billing at umano’y hindi pagbabayad ng wastong buwis sa pamahalaan.

Samantala, dumipensa ang ilan sa mga matataas na opisyal ng PECO at iginiit na hindi nila tinutulugan ang mga reklamo laban sa kanila.

Ayon kay Marcelo Cacho, administrative manager ng PECO, tinutugunan nila ang mga reklamo laban sa kanila.

Sa issue ng over-billing, iginiit ni Cacho sa komite na kanilang inaksyunan na ito at kabilang sa kanilang mga ginawang hakbang ay ang pagsasagawa ng verification at meter testing.

Sa katunayan aniya noong nakaraang taon, 200 reklamo hinggil dito ang kanilang tuluyan nang naresolba.

Noong 17th Congress, nabigo ang PECO na makapag-renew ng kanilang prangkisa hanggang sa tuluyan itong napaso sa pagpasok ng taon.

Gayunman, nabigyan ng prangkisa ang papasok na bagong power firm na MORE Electric and Power Corp.

Pero sa ngayon, dahil nakakuha ang PECO ng Certificate of Public Convenience and Necessity mula sa Energy Regulatory Commission, may hanggang 2021 pa sila para makapag-operate sa lungsod ng Iloilo.