Namataan ang isang barko ng China Coast Guard (CCG) na malapit sa Manila Bay ngayong araw ng Biyernes, Agosto 15.
Ito ay base sa panibagong monitoring ng US maritime expert na si Ray Powell.
Naobserbahan aniya ang CCG na may bow number 3306 na naka-posisyon sa labas lamang ng 24 nautical mile contiguous zone ng Pilipinas, sa may labas ng territorial waters ng bansa.
Lumalabas na nag-aantay umano ang CCG vessel sa labas ng Manila Bay para ito ay lumitaw at tila determinadong maharang at eskortan ang anumang barko ng Pilipinas na maglayag patungo sa direksiyon ng Scarborough Shoal.
Samantala, naobserbahan din ni Powell ang Chinese research ship na Xiang Yang Hong 10 na naka-reposition sa may bukana ng Scarborough Shoal, na posibleng layunin na mag-deploy ng mga tao at equipment sa loob ng shoal.
Umalis aniya ito sa Fiery Cross Reef noong Agosto 12, isang araw matapos ang collision incident ng 2 barko ng China noong Lunes, Agosto 11 at dumating isang kilometro mula sa timog ng Scarborough kaninang umaga, subalit hindi pa tukoy sa ngayon ang pakay nito sa lugar.
Base sa monitoring ng US maritime expert ngayong Biyernes, namataan ang tatlong barko ng CCG at 8 Chinese militia vessels na umaalis sa lugar, karamihan aniya ay pabalik na sa China subalit may 2 Chinese militia vessel ang patungo sa Spratly Islands.
Ito aniya ay nagpapakita na mayroong nakalap na intelligence ang China na nagpaplano ang Pilipinas na magsagawa ng Kadiwa operation sa Lunes at nag-augment ng kanilang pwersa bilang paghahanda.