Reading Time: 1 minute
France vs USA
France vs. USA/ FIBA world cup

Isang malaking upset sa larangan ng basketball ang pagkatalo ng defending champion Team USA sa France, 89-79, sa kanilang paghaharap sa quarterfinals ng FIBA Basketball World Cup.

Nanguna sa panalo ng France si Evan Fournier na mayroong 22 points at Rudy Gobert na nagtala ng 21 points at 16 rebounds.

Hawak pa ng Team USA ang pitong puntos na kalamangan sa last quarter hanggang sa tuluyang gibain ito ng France.

Huling nagharap ang dalawang magkaribal noong 2016 Rio Olympics nang talunin ng US ang France, 100-97.

Wala ni isang manlalaro ng USA na naglaro noong Olympics ang sumali ngayon na pawang binubuo ng mga NBA players sa FIBA World Cup.

Nasayang naman ang nagawang 29 points ni Donovan Mtichell para sa Team USA.

Makakaharap ng France ang Argentina sa semifinals sa Biyernes habang magkakasya na lamang ang US na labanan ang Serbia sa consolation round ng torneyo.