Nilaglag na ng France ang Poland 3-1 sa kanilang paghaharap sa round of 16 ng FIFA World Cup sa Qatar.
Unang nakapagtala ng goal sa panig ng France ay si Olivier Giroud isang minuto bago matapos ang first half para makuha ng ranked number 4 na France ang 1-0 na kalamangan laban sa ranked number 26 na Poland sa laro na ginanap sa Al Thumama Stadium.
Pagpasok ng second half ay hindi hinayaan ng France ang pagdomina nila ng laro kung saan sa loob ng 74 minuto ay naipasok ni Kylian Mbappe ang goal nito at pagdating ng 90 minuto ay muling inulit ni Mbappe ang goal.
Pinilit pa ng Poland na makahabol kung saan nagtala lamang sila ng natatanging puntos sa pamamagitan ng penalty kick ni Robert Lewandowski sa dagdag na siyam na minuto ng 90 minutong regulations.
Dahil panalo ay pasok na sa quarterfinals ang France.
Magugunitang nasa unang puwesto sa Group D ang France kung saan unang tinalo nila ang Australia 4-1, na sinundan ng panalo sa Denmark 2-1 subalit tinalo sila ng Tunisia 0-1 habang ang Poland ay nasa pangalawang puwesto ng Group C na nagtapos sa 0-0 ang laban nila ng Mexico, nanalo sila kontra Saudi Arabia 2-0 at natalo sila sa Argentina 2-0.