-- Advertisements --

Mananatiling nakadetine sa The Hague ang dating Pangulong Rodrigo Duterte habang hinihintay ang pagsisimula ng kanyang paglilitis kaugnay ng kasong crimes against humanity, ayon sa International Criminal Court (ICC).

Ayon sa desisyon ng International Criminal Court Trial Chamber III, hindi sapat ang mga isinumiteng argumento ng depensa tungkol sa kalusugan ni Duterte upang palitan ang naunang findings ng court-appointed medical experts.

Giit ng korte, walang bagong ebidensya o malaking pagbabago sa sitwasyon ng kalusugan ng dating pangulo na magbibigay ng dahilan para siya ay palayain pansamantala.

Isinasaalang-alang din ng ICC ang kanyang pagtangging kilalanin ang hurisdiksyon ng korte, na ayon dito ay nagpapakita na maaari siyang hindi sumunod sa anumang utos ng korte kung palalayain.

Dagdag pa ng ICC, may “real and substantial risk” na maaari siyang tumakas o hadlangan ang proseso ng hustisya dahil sa kanyang impluwensya, at koneksyon.

Kaugnay nito, binigyan ng korte ng pahintulot ang depensa na hindi muna dumalo si Duterte sa unang status conference na nakatakda sa Mayo 27, basta’t magsumite ng pormal na kahilingan.

Ang pagdinig ay tatalakay sa iskedyul ng paglilitis, mga ebidensya, at iba pang preparasyon para sa kaso.

Nauna nang kinumpirma ng ICC Pre-Trial Chamber I ang mga kaso laban kay Duterte kaugnay ng umano’y mga pagpatay sa kanyang kampanya kontra droga noong siya ay alkalde ng Davao City at kalaunan bilang pangulo ng Pilipinas.