Kinumpirma ni Vice President Sara Duterte na hindi nakaboto ang kaniyang amang si dating Pangulong Rodrigo Duterte ngayong national and local elections matapos mabigong makapagparehistro para sa Local Absentee Voting (LAV).
Ayon kay VP Sara, sinubukan ng mga abogado ni Duterte na kumbinsihin ang Commission on Elections (Comelec) na payagan itong bumoto kahit lagpas na sa LAV deadline, ngunit hindi ito pinayagan.
Maalalang naaresto si Duterte ng International Criminal Court (ICC) noong Marso 11 dahil sa mga kasong crimes against humanity kaugnay ng kanyang kontrobersyal na war on drugs.
Si Duterte ay tumatakbo bilang alkalde ng Davao City habang nakakulong sa The Hague, Netherlands kung saan katunggali niya ang dati niyang cabinet secretary na si Karlo Nograles, na tumatakbo bilang independent candidate.
Kahit nakakulong ay nananatiling popular si FPRRD batay sa mga survey. Kung mananalo, maaari pa rin siyang ideklarang nanalo ng Comelec maliban na lang kung siya’y mahahatulan ng pagkakasala ng ICC.