Inihayag ni former Senator Antonio Trillanes IV na malabo na aniyang makabalik muli ng Pilipinas si former President Rodrigo Roa Duterte mula The Hague, Netherlands.
Ayon sa naturang dating senador, posibleng hindi na maiuwi si Duterte na kasalukuyang nakadetene sa detention facility ng International Criminal Court.
Paliwanag naman ni Former Sen. Trillanes na ito’y sa kadahilanang hindi na miyembro ang bansa sa International Tribunal.
Ibig sabihin, malabo at hindi maaring dito dalhin ang kustodiya para sa dating Pangulo sakali mang magawaran o pagbigyan ang hiling nitong Interim Release.
Ngunit gayunpaman ibinahagi ng dating senador na ang nakikitang paraan para maibalik ito ng Pilipinas ay kung maibasura ang kasong kinakaharap sa International Criminal Court.
“Malabo na po… Dahil hindi na po tayo miyembro ng ICC ay hindi talaga wala na tayong boses dun at hindi na rin pwede tayong ang mag-host ng kay Duterte kung sakaling mabigyan man siya ng Interim Release kasi hindi na nga tayo miyembro,” ani former Senator Antonio Trillanes IV.
“Malabo na talagang makauwi siya unless ma-didismiss yung kaso. Kaso dine-delay nga nung mga kampo nila yung pagsimula nung trial. So yun po ang magiging dilemma nila,” dagdag pa ni former Sen. Trillanes IV.
Maaalala na inaresto at idinala si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte tungo sa International Criminal Court – The Hague, Netherlands.
Kanyang kinakaharap ang kasong crimes against humanity kaugnay sa implementasyon ng war on drugs sa kanyang administrasyon.
Habang dagdag pa ni Sen. Trillanes IV na ang paggawad ng ‘interim release’ ay malabo sapagkat walang kaparehong kaso ni Duterte ang napagbigyan sa hiling na pansamantalang kalayaan.
Samantala, sa panig naman ng mga Duterte, naniniwala ang abogadong si Atty. Mark Tolentino na mayroon pa ring pag-asa makabalik ito sa bansa.
Aniya’y may mga hakbang maaring gawin ang gobyerno para maging posible na maiuwi ang dating Pangulo mula sa piitan.
Ngunit aminado siyang tanging International Criminal Court lamang ang nasa posisyon makapagsasabi o desisyon ukol sa kaso ni Duterte.