Aabutin ng isang buwan ang pag-aanalisa sa flight data recorder sa bumagsak na C-130 aircraft sa Patikul, Sulu.
Ayon kay Philippine Air Force (PAF) spokesperson Lt. Col. Maynard Mariano naipadala na sa Estados Unidos ang flight recordings o black box ng bumagsak na C-130.
Sinabi ni Mariano masyado pang maaga para sabihin ang pinal na sanhi ng pagbagsak ng C-130 aircraft kaya nararapat lamang na hintayin ang resulta.
Lahat kasi ng posibleng anggulo ay tinitingnan ng mga imbestigador.
Nabatid na 100 percent na ang pagrekober sa mga bahagi ng bumagsak na aircraft at ilan sa mga ito ay dinala na sa Mactan Air Base para sa gagawing “repair and reconstruction.”
Sa kabilang dako, siniguro ng PAF sa pamilya ng mga nasawing sundalo ay matutukoy at huwag silang mangamba dahil ang dental records ang kanilang basehan upang makasiguro na ang kanilang yumao ang ihahatid sa kanila.
Sa ngayon, 28 na ang nakilalang mga labi ng AFP mula sa 49 na nasawing sundalo sa pagbagsak ng C-130 sa Patikul, Sulu noong nakaraang linggo.
Ang walong huling nakilalang mga biktima ay sina:
PFC Carlos D Dapanas Jr PA
PFC Keth Kane S Alegarme PA
PFC Marchi E Bonzales PA
PFC Philip Dante T Camilosa PA
Cpl Jay-ar V Obenita PA
Pvt Archie S Barba PA
Pvt Carlos Jhun C Paragua Jr PA
TSg Nelson B Hadjiri PA
Ayon sa AFP, naabisuhan na ang nga pamilya ng mga naturang sundalo.
Inaayos na ng militar ang transportation ng mga labi para ihatid sa kani-kanilang mga pamilya.
Tiniyak ng AFP na tuloy-tuloy ang kanilang pagsisikap sa tulong ng PNP Scene of the Crime Operatives (SOCO) para makilala ang lahat ng mga nasawi at maihatid ang kanilang mga labi sa kanilang mga mahal sa buhay.
Samantala isang interfaith memorial service ang isinagawa nuong Sabado ilang metro kung saan bumagsak ang C-130.
Pinangunahan ito ng 11th Infantry Division sa pangunguna ni Maj. Gen. William Gonzales.