Umaasa ang Philippine Sports Commission (PSC) na maghahatid ng mainit na suporta ang Filipino community sa Thailand para sa mga atletang Pinoy na sasabak sa 2025 Southeast Asian Games.
Ayon kay PSC Chairman Pató Gregorio, ang presensiya ng libo-libong Pilipino sa host country ay inaasahang magdudulot ng “homecourt energy” sa mga manlalarong Pinoy, katulad ng sigla nila kapag naglalaro sa Pilipinas.
Pangungunahan nina Chairman Gregorio, Deputy CDM Jop Malonzo, at Philippine Ambassador to the Kingdom of Thailand H.E. Millicent Cruz-Paredes ang Philippine contingent sa pagbubukas ng regional meet ngayong araw, Disyembre 9.
Nauna nang bumiyahe sa Thailand ang ilang atleta ng bansa, habang ngayong araw ay tumulak na rin ang Philippine Athletics Team patungo sa host country.
Sa kasalukuyan, tinatayang umaabot sa 40,000 ang bilang ng mga Pilipinong naninirahan sa Thailand.
Target ng PSC hindi lamang ang pag-angat sa medal ranking kundi pati ang pagpapalakas ng partnership ng Pilipinas sa iba pang miyembro ng SEA. Ito ay kasabay ng pagtutulak ng bansa sa mas malago pang sports tourism habang naghahanda para sa 2026 ASEAN Summit Chairmanship.
















