-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Ikinalungkot ng pamunuan ng Kalibo International Airport ang “drastic” na pagbaba ng bilang ng mga pasahero gayundin ang biglaang pagbagsak ng turismo kasunod ng suspensyon ng international flights mula sa maraming probinsya sa China.

Sinabi sa Bombo Radyo ni Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP)-Aklan manager Engr. Eusebio Monserate Jr., na simula ngayong unang araw ng Pebrero, magiging epektibo ang suspensyon ng direct flights papasok at palabas sa China ng mga airline companies.

Kabilang dito ang Cebu Pacific, Philippine Airlines, Pan Pacific at Royal Air, upang wala nang makapasok na Chinese national na carrier ng 2019 novel-coronavirus.

Iginiit ni Monserate na mahigit 20 international flights ang mawawala sa kanilang operasyon bawat araw.

Ngunit sa sitwasyon aniya ngayon ay mas makakabuti na piliin muna ang kalusugan ng mamamayan, kaysa umuunlad na ekonomiya sa turismo dulot ng pagdating ng mga dayuhang bisita at bakasyunista papunta sa Boracay.

Pinayuhan din nito ang mga empleyado na palakasin ang immune system upang makaiwas sa nakamamatay na respiratory virus.

Samantala, nilinis ng mabuti at ginamitan ng disinfectant ng provincial government ang hotel na Gov. Corazon L. Cabagnot Tourism and Training Center sa Brgy. Old Buswang, Kalibo. Doon kasi nanatili ng ilang araw ang 11 Chinese tourist bago inilipad Biyernes ng hapon pabalik sa Chengdu, China.