Mahigit 100,000 na visa ang binawi ng Estados Unidos mula nang umupo si U.S. President Donald Trump bilang Pangulo ng Estados Unidos ayon sa U.S. State Department.
Kasunod ‘yan ng anti-migrant platform ng Administrasyon ni Trump na naglalayon ng mass deportation kung saan iniulat ng Department of Homeland Security na higit 605,000 katao na ang na-deport, at 2.5 milyon naman ang kusang umalis ng bansa.
Ayon sa U.S. State Department ito na ang pinakamataas na bilang ng visa revocations sa loob lamang ng isang taon.
Saklaw ng datos ang panahon mula sa ikalawang inauguration ni Trump noong Enero 20, 2025.
Bukod dito, libo-libong visa rin ang kinansela dahil sa mga krimen kabilang ang assault at drunk driving.
Humigit-kumulang 8,000 student visas naman ang kabilang sa mga binawi rin ng Amerika.
Binigyang-diin ni Secretary of State Marco Rubio ang paggamit ng McCarthy-era law upang harangin ang mga visa ng mga estudyanteng nais lang umano ay lumahok sa mga protesta laban sa Israel.
Kasabay nito, hinigpitan rin ang screening visa applications para sa mga kumukuha ng visa sa Estados Unidos, kabilang dito ang pagsusuri ng social media ng mga aplikante, bilang bahagi ng mas malawak na kampanya laban sa immigration ng Amerika.















