Naniniwala ang Malakanyang na nais lamang ilihis ang isyu ng impeachment laban kay VP Sara Duterte dahilan na nag-iingay ang mga supporters ng pangalawang Pangulo na maghain din ng impeachment complaint laban kay Pangulong Ferdinand MarcosJr.
Ibinunyag ni Palace Press Officer USec Claire Castro, batay sa kanilang impormasyon na ibinahagi ng isang mambabatas nabatid na mga supporters ng pamilya Duterte ang nasa likod ng planong impeachment complaint laban sa Pangulo.
Tiniyak naman ni Castro na handa si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. harapin ang reklamo at iginagalang niya ang Konstitusyon at ang mga prosesong itinatakda ng batas.
Sinabi ni Castro na walang basehan ang alegasyon ng breach of public trust kaugnay ng diumano’y pagpirma ng Pangulo sa General Appropriations Act (GAA).
Binigyang-diin ng Palace official na hindi nagnakaw ng pera ang Pangulo at siya pa nga ang nag-utos ng imbestigasyon sa mga maanomalyang flood control projects na posibleng pinagmulan ng korapsiyon lalo at wala umano itong isyu gaya ng “Mary Grace Piattos”.
Kumpiyansa naman ang Palasyo na hindi uusad ang impeachment laban sa Pangulo.
Sa ngayon, wala pang pormal na impeachment complaint laban kay Pangulong Marcos kaya’t wala pang dapat paghandaan ang Pangulo sa ngayon.
Iginiit ni Castro na ang impeachment ay isang seryosong prosesong konstitusyonal at hindi dapat gamitin bilang panakot o pang-media.
Hinikayat din niya ang mga kritiko na unahin munang sagutin ang mga isyung kinahaharap ng kanilang sinusuportahang lider.
















