Inaprubahan na ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) ang mga rekomendasyon ng Department of Agriculture (DA) para matiyak ang sapat na supply ng mga agricultural products sa panahon ng ipinaiiral ng total lockdown sa buong Luzon dahil sa COVID-19.

Nakapaloob ito sa Resolution No. 15 ng IATF na binasa ni Cabinet Sec. Karlo Nograles sa isinagawang “Virtual Presser” sa Malacañang ngayong hapon.

Batay sa resolusyon, pinapayagan ang mga pagsasaka at pangingisda at pagbibigay ng exemption sa mga malulusog na magsasaka, mangingisda, farm workers at agri-business personnel sa lockdown o travel ban para makapagsaka o makapangisda.

Pinapayagan din ang mga agricultural supply stores o outlets, gayundin ang mga veterinary clinics na manatiling bukas sa panahon ng lockdown.

Inuulit din ang walang sagabal na pagbiyahe ng lahat ng mga supply sa agrikultura kabilang ang mga materyales sa food packaging at manufacturing.