Pormal nang ipapatupad sa Lunes, October 3, 2022, ang fare hike sa mga pampublikong transportasyon sa bansa ayon sa Department of Transportation (DOTr).
Ito ay matapos na maaprubahan na nga isinusulong na dagdag pamasahe ng mga operator at driver sa mga public utility vehicles (PUVs) sa Pilipinas.
Kaugnay nito ay muling nagpaalala si DOTr Secretary Jaime Bautista na kinakailangang munang ipaskil ng mga PUV driver at operator ang bagong fare matrix sa loob ng kanilang mga sasakyan bago ito magpatupad ng fare hike.
Aniya, ire-request nila ito sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at iba pang mga sektor upang tiyak na maipapaalam sa mga pasahero ang naturang bagong matrix ng pamasahe sa mga pampublikong sasakyan.
“Dapat makita ng mga pasahero ang bagong matrix. I will request LTFRB lahat ng sectors para di malito ang mga pasahero,” ayon kay Bautista.
“Dapat ganon. Kaya Ang gagawin namin pag igihan namin ang information drive lalo na operators ng jeepney para makita ng mga pasahero.”
Patuloy naman ang paghingi ng kagawaran ng pag-unawa sa panig ng mga commuters hinggil dito kasabay nang pagpapaliwanag ng iba’t-ibang suliranin tulad na lamang ng kakarampot na kinikita ng mga tsuper dahil sa presyo ng gasolina, at maintenance, pati na rin ang nararanasang inflation sa bansa.
Simula sa Lunes, magiging Php12.00 na ang minimum fare sa mga traditional jeepney habang Php14.00 naman sa mga modern jeepney.
Nasa Php13.00 naman ang magiging minimum fare sa mga ordinary bus, at Php15.00 naman sa mga air-conditioned bus.
Bukod dito ay dinagdagan din ng LTFRB ang flagdown rate sa mga taxi at transport network vehicle service (TNVS).
Sa mga taxi at sedan-type na TNVS, magiging Php45.00 na ang minimum fare, habang Php55.00 naman sa mga AUV/SUV-type na TNVS, at nasa Php35.00 naman ang itinakdang bagong flagdown rate sa mga hatchback-type na TNVS.
Samantala, sa kabilang banda naman ay sinabi ni Bautista na kasalukuyan na rin aniya nilang pinag-aaralan ang hiling din na fare hike ng mga railway sa bansa.