-- Advertisements --

Inanunsiyo ni Quezon City Mayor Joy Belmonte na nakahanda na ang pamahalaang lungsod na isumite ang fact finding investigation kaugnay sa flood control projects sa lungsod sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) na binuo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Sa isang press conference, tiniyak ng alkalde na hindi natatapos sa pagpasa nila ng kanilang imbestigasyon sa mga proyektong nakitaan ng iregularidad bagkus ay pag-aaralan nila kung maaari pang maisalba ang naturang mga proyekto.

Kahapon, Lunes, lumagda sa isang memorandum of agreement ang alkalde kasama ang Philippine Institute of Civil Engineers sa QC chapter para magsagawa ng third-party na pag-aaral upang mabusisi ang mga proyekto kung akma sa kanilang drainage master plan.

Maglalabas din ang pamahalaang lungsod ng cease at desist order sa mga nagpapatuloy na mga proyekto na natuklasang nakakapagpapalala ng baha sa halip na makatulong para mapahupa ito.

Samantala, ilan nga sa mga isiniwalat ni Mayor Belmonte na natuklasan nila sa kanilang inisyal na pagsisiyasat sa mga flood control projects sa lungsod ay ang mga proyektong mali ang lokasyon kung kayat nahirapan aniya silang tuntunin ang mga ito, mayroon din aniyang mga proyekto sa lungsod na magkakamukha ang inaprubahang pondo para sa kontrata o bidding price at tila “copy paste” na lang gaya ng flood control projects sa may Barangay Sta. Monica, Barangay Pasong Tamo, at ang drainage improvement na bagamat magkakaiba ng lokasyon at desinyo ay kapansin-pansin aniya ang parehong halaga ng mga proyekto na nasa mahigit P14 million bawat isa, na animo’y nagkopiyahan lamang ang mga kontraktor sa magiging halaga ng kanilang proyekto.

Ibinunyag din ng alkalde na may mga proyekto sa lungsod na idineklarang nakumpleto na subalit nang bisitahin nila ito ay natuklasang nagpapatuloy pa rin.

Mas nakakagulat aniya dito ay nasa 91 mula sa 117 drainage improvement projects ang itinayo sa mga lugar na hindi naman bahain.

Ayon pa sa alkalde, nasa pitong kontraktor ang may proyekto sa QC mula sa top 15 na pinangalanan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nakapagbulsa ng maramng flood control projects simula noong 2022.

Iprinisenta ni City Engineer Atty. Mark Dale Perral ang mga proyektong nakitaan ng location errors kung saan nasa 35 ang hindi mahanap.