-- Advertisements --

Iniimbestigahan na ng fact-finding committee na binuo ng Department of Agriculture ang implementasyon ng Integrated National Swine Production Initiatives for Recovery and Expansion (INSPIRE) program nito sa tatlong rehiyon.

Unang nabuo ang naturang komite sa pamamagitan ng Special Order 903 na inilabas ni DA Sec. Francisco Laurel Jr. upang imbestigahan kung naipatupad ba ng maayos ang naturang programa sa Ilocos Region, Central Luzon, at CALABARZON Region mula 2021 hanggang 2023.

Inaatasan din ang komite na i-assess kung naging epektibo ito para maabot ang layunin ng ahensiya na pataasin ang populasyon ng mga baboy na labis na naapektuhan sa pag-iral ng African swine fever (ASF).

Ang naturang komite ay nabigyan ng palugit hanggang sa kalagitnaan ng buwan ng Hulyo upang isumite ang kanilang findings at mga rekomendasyon kay Sec. Laurel.

Nagsisilbing chairman ng naturang komite si DA Assistant Secretary for swine and poultry Michael de Joya Garcia habang vice chair nito si DA legal service director Willie Ann Angsiy.

Ang INSPIRE ay isa sa mga flagship program ng DA para muling palaguin ang hog industry sa Pilipinas mula sa naging epekto ng ASF.

Mula 2021 hanggang 2023, mahigit apat na bilyong piso (P4 billion) ang inilaang pondo para sa implementasyon at pagpapalawak ng naturang programa.