-- Advertisements --

Na-indict ang napatalsik na si dating South Korean First Lady Kim Keon Hee sa kasong panunuhol at iba pang charges laban sa kaniya.

Ito ang kinumpirma ng special prosecution team ngayong Biyernes, Agosto 29 sa gitna ng malawakang imbestigasyon kaugnay sa kontrobersiya sa kaniya at kaniyang asawa na si dating SoKor President Yoon Suk-yeol.

Kasunod ng indictment, humingi naman ng tawad si Kim at sinabing kaniyang haharapin ang trial subalit hindi na ito nagkomento pa sa mga kaso laban sa kaniya.

Sakaling mahatulang guilty, maaaring mapatawan ng mahabang panahong pagkakakulong si Kim sa mga kaso laban sa kaniya mula sa stock fraud hanggang sa suspected bribery.

Subalit nauna ng itinanggi ni Kim ang mga alegasyon laban sa kaniya at iginiit na ang ilang regalong natanggap umano niya ay walang basehang spekulasyon lamang.

Sa ngayon, kapwa nakakulong sina Yoon at Kim.

Kasalukuyan ding sumasailalim si Yoon sa mga pagdinig sa mga kasong ibinabato laban sa kaniya kabilang ang insurrection kasunod ng pagpapatalsik sa kaniya noong Abril kaugnay sa nabigong martial law noong Disyembre 2024.

Samantala, na-indict din si dating Prime Minister Han Duck-soo, na itinalaga ni Yoon, sa mga kaso may kinalaman sa insurrection at perjury.