Pormal nang nagsampa ang Department of Justice (DoJ) ng kasong conspiracy to commit sedition laban kay dating Sen. Antonio Trillanes IV at siyam na iba pang personalidad dahil umano sa libelous allegations na nagdadawit kay Pangulong Rodrigo Duterte at kanyang pamilya sa kalakaran ng iligal na droga.
Kabilang sa mga kinasuhan sina Peter Advincula, na nagpakilalang alyas “Bikoy” na nasa likod ng viral video na “Ang Totoong Narcolist.”
Kabilang din sa mga kinasuhan sina Jonnell Sangalang, Yolly Villanueva Ong, Vicente Romano, JM Saracho, Boom Enriquez at isang “Monique” Fr Flaviano Villanueva, Fr Albert Alejo, at Eduarto Acierto.
Ang reklamo ay isinampa sa Quezon City Metropolitan Trial Court ngayong Lunes lamang.
Nakasaad sa reklamo na nagpapakalat si Trillanes at ilang personalidad ng malisyoso at maling impormasyon o alegasyon para magalit ang taong bayan sa Pangulo.
Maalalang sa lumabas na video ni Bikoy, idinawit nito si Duterte maging ang pamilya niya sa iligal na droga.
Mayroon din umano itong naitagong financial records ng mga drug syndicate na mayroong ginawang deal sa Duterte family.
Pero kalaunan ay kumambiyo si Advincula at idinawit ang mga nasa oposisyon na may pakana sa naturang mga lumabas na videos.
Paliwanag ng DoJ panel sa kanilang 57 pahinang desisyon, base sa Article 141 ng Revised Penal Code, malinaw na may mga nalabag na batas ang naturang mga indibidwal kaya dapat kasuhan.
Mayroon umanong interlocking pieces of proof para sa isang grand conspiracy sa pagitan ng mga respondents sa kaso na silang gumawa sa serye ng Bikoy videos.
Ang mga videos ay ginawa ni Advincula, Saracho na umaktong narrator, si Enriquez bilang videographer at assistant na si Monique.
Sina Ong at Romano naman ang nagsilbing scripwriters.
Sinabi ng panel na si Father Alejo ang naghanda ng Jescom kung saan kinunan ang Bikoy videoes.
Abril 2019, bago ang midterm elections nang kumalat sa social media ang Bikoy videos.