-- Advertisements --

Inilarawan ni Orly Guteza, dating security aide ni Ako Bicol Party List Rep. Zaldy Co, kung paano ipinapadala ang mga maletang naglalaman ng umano’y milyun-milyong halaga ng cash na parte umano ng kickbacks may kaugnayan sa maanomaliyang flood control at infrastructure projects.

Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay sa kickback scheme mula sa naturang mga proyekto, inusisa ni Sen. Erwin Tulfo kung ilang beses naghatid ng pera ang dating security aide ni Cong. Co sa bahay ni dating House Speaker Martin Romualdez, inilahad naman ni Guteza na tatlong beses siyang naghatid ng pera sa dating House Speaker kung saan noong una 35 maleta ang ibinigay noong ineskortan niya ito.

Ayon pa kay Guteza, tatlong sasakyan na pagmamay-ari ni Cong. Co kabilang ang isang HiAce bulletproof vehicle, ang ginamit sa naturang transaksiyon.

Kinalkal din ni Sen. Erwin Tulfo kung magkano ang laman ng mga ipinapadalang maleta, ayon kay Guteza, mayroong post-it note kung saan nakalagay umano ang halagang P48 million sa bawat maleta.

Sa ikalawang delivery, ayon kay Guteza, tinatayang nasa 12 hanggang 13 maleta ang umano’y ibinigay habang nasa 15 maleta naman sa ikatlong delivery.

Dito na tinanong ni Sen. Rodante Marcoleta si Guteza kung gaano kalaki ang maletang naglalaman ng umano’y limpak-limpak na pera.

Natanong din ni Senate Blue Ribbon Commitee chair Sen. Panfilo Lacson ang contractor na mag-asawang Discaya na aniya’y sanay din na nakakahawak ng ganitong kalaking halaga ng pera.

Tumugon dito si Pacifico “Curlee” Discaya na tila tumutugma sa naging pahayag ni Guteza.

Una ng ibinunyag ni Guteza sa parehong pagdinig na dinadala nila ang mga maletang naglalaman ng cash na tinatawag nilang “basura” mula sa bahay ni Co patungo sa bahay ni Romualdez sa “42 Forbes”.

Subalit, matapos ang mga isiniwalat ni Guteza, agad itong itinanggi ni dating House Speaker Martin Romualdez.

Tinawag ng Leyte lawmaker ang testimoniya ni Guteza bilang “complete fabrication”. Nilinaw din ni Romualdez na ang kaniyang bahay sa McKinley, Forbes Park ay unoccupied at isinasailalim sa renovation mula pa noong Enero 2024.