-- Advertisements --

Inihayag ni Ombudsman Jesus Crispin ‘Boying’ Remulla na imposible na umanong makapagtago pa si former Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co sa ibang bansa.

Ayon mismo sa kanya, wala na raw itong mapagtataguan pa sapagkat iba na ang panahon ngayon kung saan halos karamiha’y nasa online na.

Naniniwala kasi si Ombudsman Remulla na madali na lamang mahanap si Zaldy Co dahil sa siya’y maari ng isuplong maging ng mga taong nakipamalita online.

Giit aniya’y magagamit ng mga awtoridad ang tinatawag na ‘crowd sourcing’ upang matunton ang lokasyon ng dating mambabatas.

Matapos aniya raw kasi ng paglabas ng arrest warrant, ayon kay Ombudsman Remulla kasunod na nito ang paghiling na maisyuhan siya ng ‘red notice’ mula sa INTERPOL o International Criminal Police Organization.

Sa kabila nito, tiniyak naman ni Ombudsman Boying Remulla ang pagbibigay proteksyon kay Zaldy Co sakali man bumalik na siya ng bansa.

Makaseseguro aniya ang dating mambabatas na pangangalagaan nila ang kaligtasan ng kanyang buhay sa kanyang pag-uwi.

Ngunit kanyang mariing hindi sinang-ayunan ang pahayag ni Zaldy Co na pangamba sa seguridad lalo na kung babalik na siya ng bansa.

Samantala, duda naman si Ombudsman Remulla na babalik ng bansa si Zaldy Co upang kanyang patotohanan ang lahat ng kanyang mga paratang.

Bagama’t nais din ni Ombudsman Boying Remulla na umuwi ito ng Pilipinas, giit niya’y kulang sa tapang ang dating mambabatas.

Magugunitang inisyu na ng Sandiganbayan ang ‘warrant of arrest’ laban kay former Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co kaugnay sa kasong isinampa ng Ombudsman laban sa kanya kamakailan.

Isa si Zaldy Co sa sinampahan ng patung-patong na mga kaso sa pagkakasangkot nito sa maanomalyang flood control projects partikular sa bahagi ng Naujan, Oriental Mindoro.

Kinakaharap niya ang kasong malversation of public funds through falsification of public documents, graft, at pagtanggap ng ‘unwarranted financial’ o ‘pecuniary benefits’.