Nakakulong na ngayon sa maximum security cell sa Camp Aguinaldo ang sinibak na military officer na dating comptroller ng PMA na naglustay ng pera ng mga kadete.
Ayon kay AFP Spokesperson Col. Edgard Arevalo, kasakuluyang nasa intense custody ng AFP si Lt. Col. Hector Maraña habang hinihintay pa ang ilang mga proseso para mailipat siya sa New Bilibid Prison (NBP) kung saan niya pagsilbihan ang kaniyang sentensiya.
Sinabi ni Arevalo, tatlong provisions sa articles of war ang nilabag ni Maraña, partikular ang articles of war 95 fraud against the government, articles of war 96 conduct unbecoming of an officer and a gentleman at article of war 97 conduct prejudicial to good order and discipline.
Binasahan ng sakdal si Maraña nuong Hunyo 2014, at simula rito ay isinailalim na ito sa restrictive custody.
Inilabas ng General Court Martial ang kanilang hatol kay Maraña nuong Hulyo 2018 at nitong Martes nang pirmahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang dismissal order nito.
Aniya, bukod sa mapipiit si Maraña, dishonorably discharge na rin ito sa serbisyo, forfeited ang lahat ng kaniyang mga benepisyo at pinapasauli pa sa kaniya ang P15-million na kaniyang nakulimbat habang siya ang treasurer ng Cadet Corps ng Philippine Military Academy (PMA).
Denied din with finality ang inihaing motion for reconsideration ni Maraña, na miyembro ng PMA Class 1994.