Pinayuhan ni dating Ombudsman Conchita Carpio Morales si incumbent Ombudsman Jesus Crispin Remulla ukol sa kaso ni Sen. Joel Villanueva na una nang na-dismiss sa panahon ni dating Ombudsman Samuel Martires.
Si Morales ang naglabas sa 2016 dismissal order laban kay Villanueva na noon ay kinatawan ng Citizens’ Battle Against Corruption Party-List (CIBAC). Ito ay kaugnay sa umano’y maanomalyang paggamit sa kaniyang P10-million Priority Development Assistance Fund o pork barrel.
Komonsulta naman si Remulla kay Morales kasabay ng pagnanais nitong ma-imbestigahan ang kontrobersyal na isyu.
Ayon kay Remulla, pinayuhan siya ni Morales na simulan ang imbestigasyon sa mismong record ng kaso ng Senador. Hindi aniya dapat nakokontento sa ‘recollection’ o memorya, at sa halip ay kalkalin ang lahat ng record, kalakip ng kaso ni Villanueva.
Ayon kay Remulla, mayroon ng team na sumusuri sa lahat ng record at dokumento ukol sa kaso ni Villanueva.
Kabilang sa mga inaaral ng Office of the Ombudsman ay kung ang mosyon ni Villanueva na humihiling para ma-dismiss ang kaniyang kaso ay naihain sa prescribed period na limang (5) araw.
Katwiran ng bagong Tanodbayan, nanilbihan pa si Morales ng hanggang 19 buwan mula noong inilabas ang dismissal order. Kung mayroon aniyang motion for reconsideration na inihain ng kampo ni Villanueva, hindi malayong dinismiss din ito ni Morales.
















