-- Advertisements --

Pinaplano ni dating House Speaker at kasalukuyang Davao del Norte 1st district Rep. Pantaleon Alvarez na maghain ng petisyon sa Korte Suprema para kwestyunin ang isinusulong na people’s initiative na layong amyendahan ang Saligang Batas.

Ibinunyag ni Cong. Alvarez na isa ding abogado na kasalukuyan siyang nangangalap ng ebidensiya para suportahan ang kaniyang ihahaing petisyon.

Ang planong ito ng mambabatas ay kasunod ng inisyung manifesto ng Senado noong Martes na tumututol sa signature campaign para sa Charter change.

Sinabi ni Cong. Alvarez na ito ay isang magandang development at malugod niya ring tatanggapin ang mga Senador na nais na makiisa sa kaniyang petisyon.

Umaasa din ito na maging ang kaniyang kasamahang kongresista sa Mababang kapulungan ng Kongreso ay maninindigan at huwag matatakot sa ginagawa umano ng liderato.

Sa ngayon, inaantay pa ni Cong. Alvarez ang tamang panahon para ihain ang kaniyang petisyon dahil inaantay din nito na maihain ang mga nakalap na lagda sa people’s initiative na nasa Comelec na at subject sa verification.

Matatandaan na isinusulong ng dating House speaker sa ilalim ng Duterte adminsitration ang charter change at itinulak din ang pag-shift ng bansa tungo sa federal government.

Subalit kaniyang kinukwestyon ang kasalukuyang people’s initiative dahil sa umano’y korupsiyon sa gitna ng napaulat na panunuhol umano sa mga tao ng ayuda kapalit ng kanilang mga lagda.

Itinuro din nito si House Speaker Romualdez na nasa likod umano ng people’s initiative na kaniyang inilarawan bilang TI o Tambaloslos initiative.

Subalit makailang ulit na ring itinanggi ni House Speaker Romualdez ang alegasyong nagdadawit sa kaniya sa people’s initiative.